Human Security Act: Pansiil sa Bayan ni Romulo Baquiran Jr.
Reyna ng panlilinlang
Itim ang buto at nunal:
Ang bansot sa Malakanyang
Siyang bumansot sa bayan.
Iniluklok siya ng tao
Pamalit sa abusado
Pero lalong manloloko
Dusa'ng laksang Filipino.
Bullshit na administreyshon
Balik Amerikaniseyshon
Ingles sa komyunikeyshon
Para sa globaliseyshon.
May Ermitang alipores:
At Palparang matadores
Si Esperong nang-aares
At bulaang Bert Gonzales!
Demonstrador hinaharang
Dinukot Empeño't Cadapan
Mga journalist, pinatay!
Gloria, berdugo ng bayan.
Merong anti-terrorism bill
Para sa karapatang sibil
Pero wag kayo: pansiil!
Sa demokrasya'y panlibing.
Huwag na tayong palinlang
Sa itim ang buto't nunal:
Ang bansot sa Malakanyang
Ang bumabansot sa bayan.
[Si Romulo P. Baquiran. Jr. ay guro ng malikhaing pagsulat sa Departamento ng Filipino, Kolehiyo ng Arte at Literatura, UP Diliman, Lungsod Quezon.] argaiv1140
HSA at PULA ni Rolando B. Tolentino
Pula ang mga langgam, na ang kwento’y walang patid na nagsisikap sa panahon ng tag-init nang may makain ang puluton sa tag-ulan. Pula ang bandila’y wumawagayway sa martsa ng kilusang masa. Pula ang atas sa mga aktibista, mapanganib sa estado kaya pinapaslang o sapilitang winawala. Pula ang dugong umaagos sa mga utak na pinasabog, bumubulwak na parang fountain sa bagong taon hanggang sa paisa-isang patak ang mamumuo sa natungap na ulo at lupa. Pula ang kulay ng dugo at ng bagong bukangliwayway, ng nagkakaisang hanay ng kilusang masa, kung bakit masasabing mas malapot ang dugo kaysa sa tubig na siyang nagbibigkis sa ating lahat. Pula ang kulay ng rebolusyon—masindak, nag-aalab, naghuhumiyaw sa gabing mapanglaw na nagtatago ng eksena ng malawakang paghihikahos at pandarambong. Pula ang pag-ibig kaya nananatiling nagkakaisa kahit na dinarambong, pinapaslang at dinudukot sa kalagitnaan ng gabi o sa tanghaling tapat. Minamarkahan ang pula dahil ang pula ay nananatili, lumalawak, lumalalim. Isang bagong kamaong bakal ang siyang layon ng Human Security Law para durugin ang pula. Paano dudurugin ang kalat-kalat na nagsisikap na langgam, matutukoy kaya ang mga repositoryo ng kanilang pagsisikap? Paano dudurugin ang pulang aktibista nang hindi ito napaparami sa bawat bigwas at panunupil? Pula ang kulay ng pag-ibig, at ang pag-ibig sa bayan, pati na ang pag-aalay ng buhay para sa kanyang adhikain, ay kailanman, hindi mayayanig sa mga gabing mapanglaw o sa tanghaling tapat. Ito ang kabawasan na hindi makakapigil sa pula, na makakapagparami sa pula. Na ang pula ay hindi lamang isang kulay, hayop o tao, kundi lampas-lampas pa. Walang bakal na kamao ang makakadurog. Pula ang puso, pula ang pag-ibig, pula ang rebolusyon, pula ang nagkakaisang hanay. [Si Rolando B. Tolentino ay tagapangulo ng Contend-UP (Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracry). profesor sa University of the Philippines film Institute, siya ay skolar ng panitikan, kulturang popular, pelikula at media ng Pilipinas.] Haibun sa Kawalang Pakialam ni Reuel Aguila Bumabaha ang bangketa sa daloy ng tao, ragasa ng sasakyan at nangaglutang na ingay at amoy. Tuwina, ganito ang salaysay ng buhay sa lunsod. Laging nagmamadali ang lahat. Tinutugis ang trabaho, negosyo, pag-aaral, o anumang sila lang ang nakakaalam. Umaangal sa hirap ng buhay ngunit sige lang nang sige lang. Naghambalang sa bangketa ang mga kinamanhirang balita: mahigit 800 na ang dinukot na aktibista, tumaas na naman ang presyo ng gasolina, may dayaan na naman sa gobyerno, may demolisyon na naman, walang patid ang krimen, walang humpay ang eskandalo sa mga artista’t politiko, ayan na ang Human Security Act na kikitil sa ating pagkatao. Ngunit patuloy lang ang pagbaha ng bangketa sa daloy ng tao; patungo sa kung saan, ni sila’y di alam. Daga sa basurahan Pataba nang pataba Ahas sa Malacaňang Pasiba nang pasiba [Guro ng Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Premyadong makata, mandudula, mananaysay. May-akda ng mga librong Ligalig at Iba Pang mga Dula; Amplaya, Bonsai ATBP; Magdaragat ng Pag-ibig at iba pang tula ng Pagnanasa. Kinatawan ng Pilipinas sa International Writing Program, 1983. Headwriter ng pantelebisyong serye na Bayani.] Tayo ay Tama, ang Tama ay tayo ni Frankie del Rosario Ang gubyernong ito, Hindi ba't angkop lang na ihambing Sa isang hunyango't halimaw na itim? Nagbabagong anyo upang itago ang krimen. Nagbabalat-kayong salarin! Sa ilalim ni Gloria nagpapatuloy ang diktadura CPR,P.P1017, EO 464 at Oplan Bantay-Laya Ang mga progresibo'y binansagang terorista Sa Human Security Act na Amerika ang bumabandila, --Terorismo ang tawag sa hangaring lumaya. Habang patuloy na dinidelubyo sa gutom at kahirapan, Ang baya'y pinagpipiyesta sa isang People's Champ. Habang pag-akyat sa Mt.Everest ng mga abenturero’y inaabangan, Pinepeste ng mga halimaw ang mga magsasaka sa kanayunan ---Torture, Masaker at kahirapan ang dinulot sa mamamayan. At lantaran pa tayong niloloko Ng gubyernong kumikilala raw sa karapatang-pantao Sa mga paglabag, PNP at AFP ang numero uno Katotohanang hindi maikakaila Maghugas man ng kamay ang mga may sala. Ang pambubusabos bang ito ay hahayaan? Ang panlilinlang ba ay papayagan? Tunay na ang bayang ito'y malaon ng dinayukdok Kahit ang buhay man ay binubulok! Humahalakhak lang ang mga diyos-diyusang hangal Sadyang bulag at bingi sa mataimtim na dasal. Saan ka tatakbo? Saan ka magtatago? Maglalakas loob ka bang iimik Sa kamay na bakal nilang pagpapatahimik? Ang manahimik nga ba'y makatwirang gawin? Sa terorismong ang may pakana ay sila rin. Kung dahas ang isinusukli sa bawat daing, Sandata rin itong sa ati'y magpapatalim Lalagutin ang mabagsik na asal ng mga berdugo Tayo ay tama! Tayo ay tama! Ang tama ay tayo. Ang mangatwira't lumaban ay hindi TERORISMO! [Si Frankie del Rosario, 24 taong gulang ay kasalukuyang tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan-SMR. Apat na taon din siyang naging tagapagsalita ng Bayan-sa Gitnang Silangang Mindanao na nakabase sa Cotabato City at Maguindanao.] Silang nakasilip mula sa kuwadro ni Maricristh Magaling Nagkakagulo ang mundo sa pangyayari sa mga kuwadro - iba-ibang laki,kulay, tagal at pagkakayari'y dumadami sa bahaging iyon ng Dagat Pasipiko. Inookupa nito ang mga espasyo sa kabahayan, simbahan,plasa: mula sa liblib na mga lugar hanggang sa mga munisipyo, distrito at kapitolyo. Hindi naglaon, makikita na rin ang mga ito sa mga tarangkarahan ng mga detatsment,kampo-militar, Mataas na Hukuman at palasyo ng pambansang pamahalaan. Nababahala ang internasyunal na komunidad sa penomenon. At habang nagdadagsaan silang naghahanap sa kani-kanilang ina, ama, anak,kapatid at asawa ay hindi mapigilang magtanong ng mga ordinaryong mamamayan sa bahaging iyon ng Dagat Pasipiko. Ang tanong: nasaan silang nakasilip Mula sa kuwadro? [Tagapagsaliksik ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research Inc. (Eiler Inc.) si Maricristh Magaling. Gradweyt siya ng malikhaing pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.]
SUNUGIN ANG LULUKOB NA TABING NG DILIM ni Alexander Martin Remollino
Nag-aabang na lamang sa pagtugtog ng orasan ang dambuhalang tabing ng karimlan. Nakaamba nang lumukob ang mahabang gabi sa ating bayan. Sa gabing ito'y mahigpit na ipagbabawal ang gumising, ang dumilat kahit na sansaglit. Ngunit sa gabing iyon ng ating bayan, kasalanan ang pumikit -- sapagkat kayraming matutulog na hindi na magigising, hindi na magigising kailanman. Kaya't ihanda ang lahat nating kasangkapan -- sulo man iyan o kandila o maging pospo man -- at ating sindihan ang isang dambuhalang apoy na susunog, susunog sa lulukob na tabing ng dilim. [Si Alexander Martin Remollino ay regular na nagsusulat ng mga artikulo sa bulatlat.com kasapi siya ng mga grupong Artists for the Removal of Gloria (ARREST GLORIA) at kilometer 64.] Hamon sa Makata ni Noel Sales Barcelona 1. Isumpit mo, makata Ang iyong tula sa hangin – Parang palaso, Sa lupang may bahid ng dugo Iyong patamain. Huwag pabayaang salakabin ng mga palalo Ang iyong talino. Kapag itinanikala – Patuluan ng luha at dugo Hayaang kalawangin hanggang mapugto. 2. Gisingin sa mga sigaw ng iyong berso ang tulog na mga puso. Hayaang pag-alabin ang apoy ng salita Ang naidlip na espiritu ng tao. Kapag ang binhing mapanghimagsik Ng iyong pluma at pulso Ay naitanim nang malalim sa utak at puso ng tao – Daig ang daluyong ng alon Ang paglaban ng tao. 3. Hayo ka, ikaw na niyapos ng ganda at talisik ng berso: Papag-alabin mo ang apoy sa puso at espiritu ng tao. Huwag katakutan ang pilantik Ng kamao at bisig ng panginoon: Sapagkat wala silang lakas Kapag ang sanglaksang alipin ang nagbangon! Ang Disipulo ng Takot ni Rommel Rodriguez Aba Ginang Gloria napupuno ka ng pantasya ang kapangyarihan ng takot ay sumasaiyo, bukod mong tinutugis ang mga palaban habang patuloy kang nagsasaboy ng kasamaan. Aba Ginang Gloria di ka na nahiya sa batas na iyong nilikha, panakip-butas pakanang gasgas kunwari’y sa kapayapaan, katahimikan ang hangad. Aba Ginang Gloria bakit hindi tumingin sa salamin? Tanungin ang sarili, saka bigkasin: ”Salamin, salamin, Salamin sa Malacanang, Sino ang terorista’t Nanliligalig sa bayan?” Subalit ang salamin ay hindi tutugon Dahil tukoy na ang sagot sa tanong. Siya na nga. [Nagsimulang magsulat si Rommel Rodriguez noong nasa kolehiyo. Karamihan sa kanyang mga nasulat na tula at maikling kuwento ay sumusuri sa mga usaping panlipunan at mga napapanahong isyu tulad ng diaspora, pulitika ng pagkilos at pakikibaka.] Pagluwas ni Soliman Santos Binabasag ng garalgal na ugong ng traysikel na sinasakyan ko ang katahimikan ng kahabaan ng daang San Pablo . Parang kumakaway ang mga dahon ng sasa sa magkabilang gilid ng kalsada. Ninanamnam ko ang hampas ng hangin sa mukha at ang tanawing dati'y karaniwan lang sa akin. Baka hindi na maulit. Sa ibabaw ng tuyong palaisdaan, di magkamayaw ang mga langay-langayan. Waring nagmamadali sa pagdagit ng mga isda dahil papalubog na ang araw. Parang ako. Minsan lang mauwi sa bayang sinilangan ay kumakaykay rin sa pagluwas. Sila, kumakaykay sa maiuuwing pagkain. Ako, kumakaykay dahil naging "peligroso" ang pananatili sa aming baryo. Pareho rin ang aming kinatatakutan, ang mabihag o bulabugin ng putok. Kampay ng ibon palayo nang palayo sa katubigan. [Si Soliman Santos ay kasalukuyang editor ng kultura ng makabayang pahayagang Pinoy Weekly. Nasa unang taon siya ngayon ng kanyang MA sa malikhaing pagsulat sa UP Diliman.]
MUKHA NG TERORISMO ni Hermie Beltran Hawak ang baril, nag-uutos ang sundalo: “Nagkalat ngayon ang mga terorista. Sila’y nasa bundok, bukid at siyudad. Saan sila nagkukubli? Saan pumunta? Sabihin at uubusin namin sila!” Sagot ng mga tao: “Nariyan lang sa kampo, Nagto-torture ng mga aktibista. Nariyan sa Senado, Nagwawaldas ng pork barrel. Nariyan sa Batasan, Tinutulugan ang panukala Para bumaba ang presyo ng gamot. Nariyan sa Palasyo, Dinadaya ang bilangan ng boto.” Napikon ang sundalo Palibhasa’y hindi alam Ang mukha ng kalaban. Ipinagtuturo ang baril Sa kahit na siino: “NPA, MILF, Abu Sayyaf kayo siguro, ano!” Ang mga tao’y di nasindak. Noon pa ma’y alam na nila Ang tunay na mukha ng terorista. [Si Hermie Beltran ay may-akda ng BAYAMBANG (1991) at LEMLUNAY (2003), dalawang koleksiyon ng mga tula sa Filipino, Iloko at Ingles. Nag-aral siya ng peryodismo at panitikang Filipino sa U.P. Diliman. Dating kawaksing patnugot ng Diliman Review, pampanitikan at pambalitaang patnugot ng Philippine Collegian, at pangulo ng U.P. Writers' Club at U.P. Journalism Club. Dati rin siyang tagapangulo ng Pambansang Komite sa Panitikan ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), secretary-general ng Pambansang Unyon ng mga Manunulat (PANULAT) at pinuno ng Sektor ng Panitikan ng Concerned Artists of the Philippines (CAP). Siya ngayon ang patnugot ng ANI, dyornal pampanitikan ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP).]
Ang Bugtong na Ina ng mga Terorista ni Mykel Andrada Ang anak ay nakaupo na, Ang ina’y gumagapang pa. Nang ang Ina’y makaupo na, Ang mga anak ay pinagapang na! Hindi hari, hindi pari, Nagdadamit ng sari-sari. Parang si Imelda, parang si Cory, May anak na palalo’t maarte. Dalawang bundok, May holen sa tuktok. Mukhang matambok, May holen sa sulok. Isang prutas, Pito ang butas. May higanteng nunal, May pitong sungay. Isda ko sa Mariveles, Nasa loob ang kaliskis. Isda ko sa Pasig, Bilasa, balisa. Heto na si Kaka, Bubuka-bukaka. Heto na ang reyna, Nagmamaldita! Heto na si Dong, Bubulong-bulong. Heto na ang batas, Butas-butas. Dumaan si Tarzan, Nahiwa ang daan. Dumaan si Mahal, Sumikip ang daan. Sinampal ko muna, Bago ko inalok. Sinasampal ka na, Ba’t di ka pa lumahok? [Si Michael Francis C. Andrada o Mykel ay nagtuturo ng panitikan, diskurso, malikhaing pagsulat at humanidades sa UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas. Dati siyang Kultura Editor ng Philippine Collegian at Pinoy Weekly. Nagsilbi rin siya noon bilang Vice-Chairperson ng UP Diliman Student Council. Mayroon siyang dalawang koleksiyon ng maikling kuwento, ang Apartment sa Dapitan at Sa Dulo ng mga Dalita . Ko-editor din siya ng Subverso: Mga Tula at Kuwento Laban sa Politikal na Pandarahas.]
Kung gaano karahas ang ating panahon ni Richard Gappi Mga mamamayan at artista ng daigdig: Noon, nang bumagsak ang bomba- atomika sa Hiroshima, may “isang anino na ibinakat ng araw sa hagdan sa harapan ng isang gusali, na inupuan ng pagal na mama na-radiation ang katawan.” * Humiwalay sa katawang tao ang kanyang anino. Ngayon, nasaan sina Sherlyn Cadapan Karen Empeño at mga tulad nilang hinablot ng dilim? Silang nagkakabit ng mga pulang parol upang lumiwanag ang bawat bahay at buhay ng mga nasa liblib na lugar… Ni wala silang anino. Nasaan ang kanilang katawang tao? Mga mamamayan at artista ng daigdig: Ganito karahas ang ating panahon – pinapipili tayo kung alin sa dalawang sungay (noon o ngayon?) ang hindi sagad-sagaran; kung alin sa dalawang sungay (noon o ngayon?) ang mababaw lamang makasuwag kung tumarak sa kaibuturan. Ng ating katawang tao. Ng ating pagkatao. Ng ating karapatang pantao na mabuhay sa mundo. -halaw sa tulang “Hiroshima” ni Marra PL. Lanot na nalathala sa kanyang aklat na Witch’s Dance at iba pang tula sa Filipino at Español, pahina 114. Inilathala ng Anvil Publishing noong taong 2000. [Taga-Angono, Rizal, si Richard R. Gappi ay nagtapos sa UP Diliman. Dati siyang manunulat at editor ng Philippine Collegian, editor in chief ng Manila East Watch, at editor ngayon ng Artpaper: Impormasyon, Sining at Kultura.com. Bilang makata at manunulat, bahagi siya sa pagbuo ng UP Diksyonaryong Filipino, fellow sa pagtula sa 1996 UP National Writers Workshop, at nagwagi na sa patimpalak ng Komisyon sa Wikang Filipino. Sa ngayon, siya ang pangulo ng NEO-ANGONO Artists Collective; pangunahing tagapagtatag ng Grupo 3/7, isang samahan ng mga makata na nagdaraos ng palihan linggo-linggo; at tagapangasiwa ng Pambayang Opisina ng mga Sining, Kultura at Turismo sa bayan ng Angono.] Paghahanda ni Axel Pinpin
arkahan sa mga kalendaryo. Ilagay sa reminder ng telepono, Ikarga sa task ng PDA; Ang wala ng mga ito— Magbilang ng paatras sa mga daliri. Tandaan; Mula Huloyo a-kinse, Taong dos mil siyete; Buburahin sa lupa ang terorismo! Kaya't ang lahat ay maghanda. Huwag maglakad nang nag-iisa. Umuwi nang maaga. Magdala ng anumang pagkakakilanlan. Magpagupit atmag-ahit. Magpa-manicure at pedicure. Magpa-foot spa at derma. Ang walang kakayanang gawin ang mga ito— Magsapaniki at gawing araw ang gabi. Tandaan: Mula Hulyo a-kinse, taong dos mil siyete; Lilipulin sa lupa ang kaaway ng batas! Kaya't ang lahat ay maghanda. Iwasang magdala ng anumang sumasabog; Granada, atis, abokado, kamote; Dinamita, C4, C2, Gatorade. Iwasang magdala ng anumang pumuputok; Armalite, M-14, MP-5, mp3, WMA. Iwasang magdala ng anumang sumasambulat; Bomba, Bulgar, Toro, Abante, Inquirer. Ang sadyang hindi gumagamit ng mga ito— Ni huwag magbibiro, ni huwag iimik. Tandaan: Mula Hulyo a-kinse, Taong dos mil siyete; Didisarmahan ang lahat ng bandido! Kaya't ang lahat ay maghanda. Iwasan ang maging kahina-hinala Dahil ipagbabawal ang maghinala! Iwasan na ang maging kaduda-duda Dahil ipagbabawal ang magduda! Iwasan ang maging mareklamo Dahil ipagbabawal ang pagrereklamo! Ang sadyang makakati ang dila— Basahin at bigkasin itong aking tula ! Tandaan: Mula Hulyo a-kinse Taong dos mil siyete; Bibiguin natin ang Batas Kontra-Terorismo! [Si Axel Pinpin ay fellow ng national writer’s workshop ng University of the Philippines. Noong 1999, pagkatapos ng workshop mas pinili niyang pumunta at makipamuhay sa mga magsasaka at doon ituloy ang kanyang pagsusulat. Kasama sina Aristedes Srmiento, Enrico Ilagan Ybanez at michael Masayes, Inaresto sila noong April 28, 2006 at inilabas lamang noong Mayo 1, 2006, matinding pisikal at mental toryur ang kanilang dinanas sa loob ng 58 oras ng kanilang pagkawala sa kamay ng Philippine National police at Naval Security Forces. Hanggang sa ngayon ay tuloy pa rin ang paglikha ng mga tula ng pakikibaka si Axel sa loob ng kulungan sa Camp Vicente Lim.] [Want to submit your own work? Please call up Amado V. Hernandez Resource Center for more details at 4120909 or text 09158782830, or email avhrc_philippines@yahoo.com. You can also post poems by visiting the website and go to the section "Sampay Bakod". |